Kung ako ang tatanungin, kahit may dugong Chinese ako mas pipiliin ko pa rin ang maging Pinoy kasi dito ako ipinanganak, namulat at lumaki. Pag nakakarinig tayo ng mga Pinoy abroad na pinaparangalan sa kanilang kagalingan at talento, namamayagpag ang ating mga dibdib at kalooban. Ipinagmamalaki natin ang mga Pinoy na sina Leah Salonga, Regine Velasquez, Allan Pineda Lindo or Apl.de.ap ng the Black Eyed Peas, Charice Pempengco, Jasmine Trias, Paeng Nepomuceno, Alex "The Lion" Pagulayan (2004 World Pool Champion), Irene Mora (first filipina NASA astronaut), Efren Bata Reyes, Manny "Pacman" Pacquiao at marami pang iba. Iilan lang sila sa mga ikinararangal natin na makilala ng mga dayuhan at magdala ng lahi na Filipino at galing sa bansang Pilipinas.
Sabihin na natin na may colonial mentality tayo at mahilig tayo bumili ng "imported" na mga bagay o pagkain galing sa ibang bansa, pero ibig sabihin ba nito ay mas maganda o kalidad ang gawa sa ibang bansa kesa sa gawang pinoy? Masasabi ba natin na mas maganda at mas matibay ba ang mga puno galing sa ibang bansa kesa sa mga puno na nangaling sa Pilipinas?
Tropical country ang bansang Pilipinas kaya mas marami tayong halaman at puno kung ikukumpara sa mga bansa na malalamig. Sa mga bansa na gaya ng Pilipinas na may tropical climate din, masasabi ko na may itatapat naman tayong mga puno na may kalidad din o higit pa na mas maganda. Bakit ba isinusulong ng gobyerno ang magtanim ng mga imported na mga puno sa reforestation projects tulad ng Mahogany, Gmelina, Acacia Sp., Eucalyptus Sp., Teak Sp. at iba pa gayong meron naman tayong mga native na puno at halaman na mga Philippine Mahogany, Bagras (native eucalyptus tree), Philippine Teak at marami pang puno na higit pang matibay at mabilis lumaki, dahil akma sila dito sa ating lupa at klima?
Ang sikat na brand na pabango na Channel No. 5 na kilala sa buong mundo ay gumagamit ng langis at essence na galing sa bulaklak ng puno ng Ilang-ilang na indigenous sa ating bansa.
Kung ako ang tatanungin, dito na ako sa sariling atin. Patronize our own. Isulong ang slogan na "Buy Filipino", "made in the Philippines" and "Only in the Philippines"!